Produktong may poppy seeds, pinasusurender ng PDEA, FDA
MANILA, Philippines – Pinasusurender ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Food and Drugs Administration (FDA) sa lahat ng importers, distributors at mga supermarkets ang kanilang mga produktong may poppy seeds.
Ang poppy seeds ay bahagi ng opium na kasamang ipinagbabawal sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Law. Magpapalabas ng joint advisory kaugnay nito upang maalis sa merkado ang mga produktong mayroong poppy seeds.
Ayon kay PDEA Deputy Director for Operations Carlos Gadapan, ang hakbang ay bahagi ng kampanya ng ahensiya na higpitan ang pagpapatupad ng batas dahil kapag hindi umano sumunod ang mga nabanggit sa kanilang advisory, agad-agad magsasagawa ng raid ang PDEA laban sa mga ito.
Sinabi naman ni FDA Director Suzette Lazo na nais nilang matiyak na malinis ang merkado sa anumang produkto na nagtataglay na bahagi ng ipinagbabawal na gamot.
Samantala, ilang mga importers at distributors na ang nagsurender ng kanilang produkto na may poppy seeds kasama na rito ang ilang biscuits at dip.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Manila 6th District Councilor at Chairman ng Committee on Consumers Affairs Beth Rivera na dapat na munang siyasatin kung ang mga tinapay at iba pang mga produkto ay nakaka-addict bagama’t sinasabing nagtataglay ng poppy seeds.
Sinabi ni Rivera na wala pang laboratory test na nagkukumpirma na addictive ang poppy seeds na nasa tinapay.
Giit pa ni Rivera, mas bibilhin na ng mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang tinapay kumpara sa mga mamahaling cocaine o shabu kung ito ay addictive.
- Latest
- Trending