Pekeng imported na alak nagkalat sa merkado
MANILA, Philippines – Nagbabala ang Manila Police District (MPD) sa publiko hinggil sa nagkalat na mga peke at mamahaling alak sa merkado dahil walang garantiya na ligtas itong inumin matapos makumpirma na may sindikato sa likod nito kasunod ng pagkakadakip sa dalawa katao kabilang ang isang nagpapakilalang abogado sa entrapment operation, nitong Huwebes sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni C/Insp. Fernando Opelanio, ang mga suspect na sina Renato Bernardo Avelino alyas “Atty. Ed Zamora”, 53, ng #539 Pavia St., Tondo; at Ricky Garcia Mendoza, 39, ng #1502 Franco St., Tondo ay isinailalim na sa inquest proceedings ni Assistant City Prosecutor Viven Andino sa mga kasong paglabag sa Revised Penal Code 315 o Estafa at Republic Act 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines.
Natukoy ng mga kinatawan ng Diageo Brands B.V., exclusive distributor ng Johnnie Walker “Black Label” ang mga pekeng produkto at humingi ng tulong sa MPD-District Police Intelligence Operations Unit (DPIOU) para madakip ang mga suspect.
Nabatid na ang mismong ang broker representative na si Marwin Cortez ng nasabing kumpanya ang nakabili ng siyam na Johnnie Walker Black Label sa halagang P9,000 noong Pebrero 11, 2011 at nang ipasuri ay lumitaw na peke.
Isinagawa ang entrapment operation nitong Pebrero 16, na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawa.
Sinabi ni Opelanio na patuloy pa ang kanilang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang miyembro ng nasabing sindikato at lugar ng pagawaan ng nasabing pekeng alak dahil posibleng hindi lamang ang nasabing brand ang kanilang ginagaya o pinepeke.
- Latest
- Trending