MANILA, Philippines – Isang tomboy ang nagbigti matapos na iwan ng kanyang nobya kamakalawa ng hapon sa Paco, Maynila.
Nag-iwan pa ng suicide note ang biktimang si Michelle Paterno, ng #1651 Union St., Paco, Maynila para sa kanyang dalawang anak kung saan nakasaad ang, “Mahal na mahal ko kayo. Patawarin ninyo ako wala akong kuwentang tao. King, huwag mong kalimutan ang mga bilin ko sa iyo, wag mong pabayaan ang kapatid mo, magmahalan kayo, magtapos kayo ng pag-aaral para di kayo matulad sa akin. Alagaan ninyo si Lola niyo. Huwag ninyo akong tularan.”
Sa imbestigasyon ni SPO3 Henry Ignacio ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-5 ng hapon nang kumuha umano ng iinuming tubig ang anak ng biktima na si Michael sa loob ng kanilang bahay nang masorpresa sa nakitang nakabigti at walang buhay na ina. Bandang alas-3 ng hapon nang makita pa niyang buhay ang ina at naglaro umano siya sa labas ng bahay.
Ibinunyag ni Michael, isa sa dalawang biological children ng biktima na nalungkot ang kanyang ina dahil nilayasan ito ng nobyang si Alexandra Villarica noong Enero 26, 2011 kaya umano nagpakamatay ito. Madalas nagkakasakitan ang dalawa at may walong taon nang nagsasama.
Kinumpirma pa ng barangay kagawad na si Apollo Quiando na ikalawang pagkakataon na ang pagpapatiwakal ng biktima na noong una umano ay naglaslas ng pulso nang kalasan din ng dating unang nobya.