Bangkay ng binata, naibigay sa iba ng punerarya
MANILA, Philippines – “Sorry sir, sa uulitin na lang hindi na mangyayari.”
Ito umano ang nakakapikon na sagot ng isang empleyado ng punerarya makaraang magalit ang mga kaanak ng nawawalang patay, na sinasabing nadala ng ibang nag-claim sa lalawigan ng Nueva Ecija, kamakalawa at naibalik lamang kahapon.
Dahil dito, nabatid na pinag-aaralan ng pamilya ng nagpatiwakal na si Leonard Brandon Chua, Filipino-Chinese, residente ng Ibayo, Marilao, Bulacan, ang pagsasampa ng kaso sa punerarya.
Humingi naman ng paumanhin ang operations manager ng St. Ivan Funeral, na sister company ng Funeraria Cruz, na si Dong Morado sa pamilya ng nasawi subalit ikinagalit umano ng pamilya ang nangyari dahil nagpakamatay na ang kanilang kaanak ay nawala pa ito at naiburol sa ibang lugar.
Sinabi naman ng operations manager na nagkamali umano ang kanilang staff nang ibigay ang bangkay ni Leonard dahil nang dumating ang isang pamilya na nagki-claim ng patay ay agad umanong niyakap at iniyakan ang labi at agad nang ibiniyahe patungo sa Nueva Ecija, bagamat naisoli na ito sa tunay na pamilya na magbuburol.
- Latest
- Trending