MANILA, Philippines - Pinalitan na ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang hepe ng Parañaque police na si Sr. Supt. Alfredo Valdez base sa pinaiiral na dalawang taong pananatili sa puwesto ng mga hepe ng pulisya.
Sa isang simpleng seremonya sa Parañaque City Hall kamakalawa, pinangunahan nina Mayor Florencio Bernabe Jr. at NCRPO chief, Director Nicanor Bartolome ang “turn-over ceremony” upang humalili si P/Sr. Supt. Nestor Pastoral kay Valdez.
Si Pastoral ay dating hepe ng Police Community Relations ng PNP Region IV-A (Calabarzon) bago ang pagkakatalaga sa Parañaque City. Nagsilbi naman si Valdez sa lungsod ng dalawang taon at apat na buwan.
Pinuri naman ni Bartolome ang pamumuno nito sa Parañaque City kung saan naging pinakamababa ang antas ng krimen upang mapiling pinakamapayapang lungsod sa buong Metro Manila.
Kabilang sa mga matagumpay na operasyong pinangunahan ni Valdez ang paglansag sa Bundol Gang na kinabibilangan ng mga kilabot na grupo ng mga carjackers na bumibiktima ng mga balikbayan.