'Tulak' ng droga, nilikida
MANILA, Philippines - Natagpuang patay dahil sa tama ng bala ang isang itinuturong kilabot umanong tulak ng iligal na droga na posible umanong kagagawan ng mga kasamahan nito sa sindikato dahil sa onsehan, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kaliwang bahagi ng katawan ang biktimang nakilalang si Ameco Santiago, ng nabanggit na lungsod.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-3 ng madaling-araw nang maganap ang krimen may ilang metro ang layo sa bahay ng biktima. Ayon sa mga residente, nakarinig sila ng isang putok ng baril kung saan nadiskubre ang duguang biktima ng mga nagrespondeng barangay tanod.
Nagawa pang maisugod ng mga awtoridad sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima ngunit nasawi rin ito dakong alas-5 na ng madaling-araw dahil sa dami ng dugo na nawala.
Ayon sa pulisya, kilala umanong tulak ng iligal na droga sa lungsod ang biktima at maaaring mga kasamahan din nito sa kinabibilangang sindikato ang may kagagawan ng pagkamatay dahil sa posibleng onsehan.
- Latest
- Trending