MANILA, Philippines - Ipinatigil ni Makati City Mayor Junjun Binay ang konstruksyon ng 35 gusali sa lungsod makaraang madiskubre ang sari-saring paglabag ng mga may-ari at kontraktor sa umiiral na National Building Code of the Philippines.
Ito’y makaraan ang kontrobersya sa pagkasawi ng 10 katao sa Eton Towers sa lungsod dahil sa pagbagsak ng gondola lift at pagguho ng isa pang gusali nito sa Quezon City kamakailan.
Sinabi ni Makati City Engineer Nelson Morales na nagsagawa sila ng inspeksyon sa mga construction sites mula pa umano nitong nakaraang Enero kung saan nadiskubre ang napakaraming paglabag.
Kabilang sa mga paglabag ang kakulangan ng babala, safety nets, safety gears at equipments.
Maaari lamang umanong maipagpatuloy ang konstruksyon sa oras na sumunod na ang mga ito sa probisyon ng batas at pagbabayad ng kaukulang mga multa.