Sunog sa Pasig: 60 pamilya nawalan ng bahay
MANILA, Philippines - May kabuuang 60 pamilya ang nawalan ng tahanan sa isang oras na sunog na naganap sa Pasig City kahapon ng umaga.
Nabatid na ang sunog ay nagsimula ng alas-8:45 ng umaga sa tahanan ng isang Serapio Lumberio sa #178 R. Valdez St., Brgy. Bagong Ilog Pasig City.
Sinasabing nasa Pampanga o walang tao ang bahay ng pamilyang Lumberio noong maganap ang sunog na umabot sa ika-limang alarma.
Ayon sa mga residente, nakita nilang may lumalabas na usok sa bubungan ng bahay ng pamilya Lumberio. Makalipas ang ilang minuto ay narinig nila ang isang malakas na pagsabog na hinihinalang galing sa isang liquefied petroleum gas (LPG) dahil doon ay mabilis na kumalat ang apoy at nadamay ang may 20 pang tahanan.
Tinatayang aabot sa P2-milyon ang naabong ari-arian at wala namang naiulat na nasaktan o kaya’y nasawi sa nasabing sunog.
- Latest
- Trending