OFW ginawang courier ng sindikato ng droga, arestado
MANILA, Philippines - Sa gitna ng kinakaharap na problema ng bansa hinggil sa tatlong Overseas Filipino Workers (OFWs) na nakatakdang ipa-firing squad sa bansang China sa kaso ng iligal na droga, isang pinaniniwalaang miyembro ng West African Drug Syndicate (WADS) na nakalusot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa bansang Pakistan ang natimbog ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) habang patungo sa safehouse upang dalhin ang may 3.52 gramo ng heroin sa Maynila, inulat kahapon. Ang nasabing droga ay may katumbas na P400-libo o 8,000 US dollars.
Kinilala ni NBI-Reaction Arrest and Interdiction Division, Head Agent Ross Jonathan Galicia ang suspect na si Marissa Lualhati Reyes, 42, biyuda, ng Marian Subdivision, Poblacion, Sta. Maria, Bulacan, at namasukang domestic helper sa Islamabad, Pakistan.
Ayon kay NBI Director Magtanggol Gatdula, ang sampung piraso ng malalaking kapsula na naglalaman ng heroin ay nilunok umano ng suspect at inilabas lamang nang idumi habang ang isang may sukat na 5-½ inches ang taas at mahigit 2 inches ang taba o lapad na hitsurang higanteng capsule ay inipit sa mismong ari ay ibiniyahe mula Pakistan noong Enero 11, 2011, sakay ng Thai Airways at inilabas lamang noong Enero 13, 2011 sa kanyang katawan nang makatuntong na sa kanilang bahay sa Bulacan.
Sinabi ng suspect na ang kanyang nobyo, na isang “Max Chidi” alyas “Angel”, isang Nigerian national na miyembro umano ng WADS ang nangumbinse sa kanya na iuwi sa Pilipinas ang nasabing capsules at bilin umano nito na huwag niyang ipakikita sa mga awtoridad dahil ‘organics’ na gamot umano na hindi ibinebenta sa pagdadalhang bansa ang laman nito at pagsapit sa Pilipinas ay may kukuha umano sa kanya upang ibiyahe naman patungo ng China.
Pinangakuan umano siya ni Chidi na kung maayos niyang maidedeliber ang nasabing capsules ay pakakasalan na siya nito at binigyan din siya ng plane tickets.
Bunsod ng impormasyong nakarating sa NBI noong Enero 31, 2011, nasabat ang suspect sa panulukan ng P. Gil at M. Adriatico Sts. sa Ermita, dala ang nasa bag na mga heroin at kasalukuyang mino-monitor na umano ang galaw ng mga kasabwat ng suspect na nasa bansa.
- Latest
- Trending