'Kuliglig' drivers na kukuha ng motor gagarantiyahan ng Maynila
MANILA, Philippines - Tiniyak ni Manila City Hall Chief of Staff at Media Information Bureau chief Ric de Guzman na gagaratiyahan nila ang mga ‘kuliglig’ drivers na nais na kumuha ng mga motor na maipampapasada kapalit ng ipinagbabawal na kuliglig ng city government.
Ang paniniyak ay ginawa ni de Guzman matapos na umapela sa kanyang tanggapan ang mga kuliglig drivers ng tulong upang makakuha ng motor at magamit na pangkabuhayan.
Ayon kay de Guzman, nakikipag-ugnayan na sila sa mga motorcycle company upang maging maayos ang kontrata sa pagitan nito at ng mga kukuha ng motorsiklo.
Giit pa ni de Guzman, ang sistema ay papabor sa mga driver na kukuha ng motor dahil sisiguraduhin nilang abot-kaya ang bayad nito.
Ipinaliwanag ni de Guzman, na kailangan na gawin ng city government ang pagbabawal ng kuliglig upang mabawasan ang polusyon sa lungsod.
Aniya, ang motor na ginagamit ng mga kuliglig ay lubhang mapanganib sa kalusugan dahil ito ay para lamang sa mga mangingisda.
Sa kabila nito, sinabi pa ni de Guzman na hindi pa rin sila papayagan sa mga pangunahing lansangan sa lungsod.
- Latest
- Trending