18 huli sa shabu tiangge
MANILA, Philippines - Isang shabu tiangge na sinasabing may parukyanong mga call center agents ang sinalakay ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) kung saan dinakma ang may 18 katao na sangkot sa pagbebenta ng nasabing iligal na droga, sa lungsod Quezon, kamakalawa ng hapon.
Mistulang ‘one-stop-shop’ umano ang nasabing shabu tiangge na bukas sa lahat ng mga nais gumamit at dinadagsa umano ng mga nagtatrabaho sa gabi tulad ng call center agents, guest relation officers (GRO) at ang iba’y office workers at estudyante, base sa idinetalye ng informant na si alyas “Robert”.
Sa ulat ng NBI Counter Intelligence Division, sinalakay nila ang nasabing tahanan na nasa # 125 Libyan St., Salam Compound, Culiat, Tandang Sora, Quezon City.
Sinabi ng NBI asset na sa loob ng 3 buwan niyang pagtungo sa nasabing shabu tiangge, nakakabili ang mga kliyente ng shabu at doon na rin mismo ginaganap ang pot session. Mas madali umanong gumamit ng shabu sa lugar dahil maaari nang maki-share ng halagang P20 lamang ang nais na mag-droga.
Nabatid na ang operator o maintainer ng nasabing drug den ay bibili lamang sa kanilang source ng isang sachet at maglalabas ng lighter, glass tooter at aluminum foil para sa isang grupo na sabay-sabay sa magpa-pot session habang ang iba pa na naghihintay ay maglalaro muna umano ng video karera.
- Latest
- Trending