MANILA, Philippines - Patuloy ang pagtugis ng Quezon City Police District sa grupo ng ‘Akyat Bahay gang’ matapos ang apat na magkakasunod na panloloob sa mga tahanan sa isang subdibisyon sa lungsod kamakalawa.
Ayon sa pulisya, ang mga suspect ay kinabibilangan ng isang Francis Adalem na itinuturong nanloob sa mga tahanan sa may Bloomfields Subdivision, Brgy. Pasong Putik sa lungsod. Ang mga biktima ay kinilalang sina Nelson Uy, 53, negosyante; Remigio delos Santos, 58, retired PNP official; Simeon Villanueva, 56, ng Block 12, Lot 32; at Rodolfo Lugto, 38, gov’t employee.
Ayon sa pulisya, natukoy ang mga suspect makaraang mabigo ang mga itong makuha ang mga kagamitan ng biktimang si Lugto na agad na nagising matapos marinig ang ingay habang sinisira ng isa sa mga suspect ang window grill ng kanyang bahay.
Sa ulat ng PS5, isinagawa ng mga suspect ang pagsalakay sa tahanan ng mga biktima sa pagitan ng alas-12 at alas-3:20 ng madaling-araw sa naturang subdibisyon habang nasa kasarapan ng pagtulog ang mga biktima. Nagawang makapasok ang mga suspect sa pamamagitan ng pag-akyat sa bakod ng bahay ng kanilang target saka sisirain ang window grills gamit ang matigas na bagay at nang makapasok ay saka sisimulang limasin ang mga kagamitan dito.