MANILA, Philippines - Nalitson nang buhay ang isang 65-anyos na retired teacher kasama ang tatlong apo nito matapos na makulong sa loob ng nasusunog nilang bahay kahapon ng umaga sa Parañaque City.
Kinilala ni Parañaque City Fire Marshal Supt. Manuel Manuel ang mga nasawi na sina Venus Bacolod at mga apong sina Kim Gilbert Mendova, 14; Robert Mendova, Jr., 12; at Pilbert Mendova, 9, pawang nakatira sa Block 2, Lot 2, Hernandez Avenue, ng nabanggit na siyudad.
Naganap ang insidente dakong alas-3 ng umaga habang mahimbing na natutulog sa ikalawang palapag ng bahay ang mga biktima nang sumiklab ang apoy na hinihinalang sanhi ng faulty electrical wiring.
Napag-alaman, na ilang mga kapitbahay ng mga biktima ang nagtangkang gisingin ang mga nasawi subalit mabilis ang pagkalat ng apoy dahil gawa lamang ang bahay sa light materials at may kalumaan na ito.
Umabot lamang sa ikalawang alarma ang naturang sunog bago tuluyang naapula dakong alas-3:51 ng umaga at nadamay din ang katabing bahay. Natagpuan ang mga sunog na bangkay ng mga biktima sa unang palapag ng bahay.