MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong robbery extortion ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang limang pulis-Makati makaraang ireklamo ng isang German national na nambiktima sa kanya nitong nakaraang Enero 29.
Kinilala ni NCRPO chief, Director Nicanor Bartolome ang mga pulis na sina SPO4 Roland Bagaon, PO2 Rommel Salcedo, PO3 Renato Esperansante, PO1 Jason Guinting at PO1 Rene Ruga. Sinampahan ang mga ito ng kaso sa Makati Prosecutor’s Office.
Nag-ugat ang kaso sa mga pulis makaraang ireklamo ng German national na si Daniel Ludwig noong Enero 29. Ayon dito, hinuli umano siya ng mga pulis dahil sa pagbili umano ng ipinagbabawal na droga.
Inakusahan din umano ang Aleman na isang terorista at sasampahan ng patung-patong na kaso. Dahil sa takot, napilitan umano ang biktima na pumayag na mag-withdraw ng pera sa kanyang ATM account at bumili ng limang laptop computers na ibinigay nito sa limang pulis.
Makaraang palayain, agad na nagtungo sa German Embassy ang biktima at iniulat ang pangyayari. Nakipag-ugnayan naman ang naturang embahada sa Philippine National Police (PNP) sanhi upang matukoy ang limang pulis.
Sinabi ni Bartolome na nasa “restrictive custody” na ng NCRPO ang limang pulis makaraang disarmahan. Nahaharap na rin sa “summary dismissal proceedings” ang limang pulis makaraang sampahan rin ng kasong administratibo.