Sekyu dedo sa sumpak
MANILA, Philippines - Isang security guard ang nasawi makaraang sumpakin habang nagpapatrulya laban sa mga magnanakaw ng kawad ng telepono at kuryente sa isang subdibisyon sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Dead on arrival sa ospital ang biktimang si Noel Ruyanduyan, 27, ng Sitio 4 Kaliwa, Barangay Batasan Hills, sa lungsod.
Patuloy naman ang follow-up operation ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD laban sa mga suspect na natukoy sa mga alyas na Briggs, Payat at Francis na sinasabing mga tirador ng mga kawad ng kuryente at telepono sa lugar.
Sa ulat, nangyari ang insidente sa may Sunnyside Heights, Brgy. Batasan Hills ganap na alas-12:30 ng hapon.
Diumano, nagpapatrulya ang biktima sa kanyang binabantayang subdibisyon dahil sa talamak na pagnanakaw ng nasabing mga kawad dito. Habang naglalakad, bigla na lamang sumulpot ang mga suspect na armado ng sumpak at binaril ang biktima, saka nagsipagtakas.
Nagawa pang maisugod sa East Avenue Medical Center ang biktima ngunit idineklara din itong patay.
- Latest
- Trending