300 bus marshals ikinalat sa MM
MANILA, Philippines - Tinatayang nasa 300 pulis na magsisilbing bus marshals ang ipinakalat na ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) upang mas pahigpitin ang pagbabantay sa Metro Manila laban sa anumang uri ng pagsalakay at maging kontra sa mga kriminal.
Sinabi ni NCRPO spokesman Sr. Supt. Dionardo Carlos na agad na nagpakalat ng bus marshals ang PNP makaraan ang pagsabog sa isang pampasaherong bus sa Makati City nitong Enero 25.
Mas pinalakas lamang umano ito ngayon kung saan ang mga bus marshals ay bahagi na ngayon ng Police Integrated Patrol System (PIPS) ng NCRPO, ayon sa direktibang inilabas ni NCRPO chief, Director Nicanor Bartolome sa lahat ng limang distrito ng PNP sa Metro Manila.
Makakatulong ng bus marshals ang “mobile, foot at bike patrols, tourist police” kasama ang mga pulis na nakatalaga sa “fixed visibility points, Motorized Anti-Street Crimes Operatives, checkpoints, police assistance desks, at ang “anti-overloading operations” kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
Binigyan naman ng “identification card” ang mga bus marshals upang mas higit na makilala ang mga ito ng mga pasahero sa mga bus na kanilang sasakyan.
Itinalaga ang mga bus marshals sa iba’t ibang bus terminals, mga loading at unloading points sa EDSA, Quezon Avenue, Commonwealth Avenue, Ortigas Avenue at Roxas Boulevard.
- Latest
- Trending