Comelec binatikos sa recount
MANILA, Philippines – Binatikos ni three-term Manila Mayor Lito Atienza ang Commission on Elections (Comelec) dahil sa desisyon nito na magsagawa ng recount sa mga boto sa lungsod ng Maynila gamit ang mismong Precinct Count Optical Scan (PCOS) na kanilang kinukuwestiyon siyam na buwan na ang nakakalipas.
Paliwanag ni Atienza na ang “accuracy” ng binilang ng PCOS machine ang kanilang kinukuwestiyon kaya’t naghain sila ng protesta at ang kanilang ginigiit ay ang manu-manong pagbilang sa mga balota.
Muli namang naghain ng mosyon ang abogado ni Atienza na si Atty. Romulo Macalintal upang magsagawa ang Comelec ng manual at physical na pagbilang ng balota.
Tinutulan din ng dating Alkalde ang pagbabayad nila para sa pambili ng compact flash (CF) card, pag-upa sa PCOS machines, iButton printer at pambayad sa mga IT personnel na kukunin sa cash deposit na binigay ni Atienza sa Comelec noong Agosto.
Sa petition ni inihain ni Macalintal, iginiit nito na hindi otorisado ang Comelec na i-charge sila ng anumang bayarin gayung ang integridad ng mga PCOS machines ang kanilang kinukuwestiyon.
Sa katulad ding mosyon sa ikalimang pagkakataon, iginiit pa ng abogado na unahing bilangin ang mga nabasang balota upang mabasa pa ito matapos na hindi aksyunan ng Comelec ang kanilang petition sa nakalipas na limang buwan.
- Latest
- Trending