Hindi nagsisinungaling ang ebidensiya: Tauhan ng MMDA nakunan habang tumatanggap ng suhol
MANILA, Philippines – Sinibak sa kanyang tungkulin ang isang tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) makaraang makunan ng litrato at mailathala ang pagtanggap nito ng suhol buhat sa isang motoristang sangkot sa isang aksidente sa Pasig City.
Inihayag ni Chairman Francis Tolentino na ang pagsibak kay Rodelio Sison, miyembro ng MMDA Road Emergency Group ay ginawa makaraang makita ang litrato ng pagtanggap nito ng pera buhat sa motoristang si Vincent Escobar.
Sa ulat ng MMDA, naaksidente si Escobar nang bumangga ang pulang Ferrari sports car nito sa center island ng Ortigas Avenue sa Pasig City. Tumanggi umano na makipagkooperasyon si Escobar sa mga tauhan ng MMDA kung saan nagpakilala na kaanak ng isang heneral at tumangging ipahatak ang kanyang sasakyan.
Sa lumabas na litrato, nakita ang pag-abot ng pera ni Escobar at ang pagtanggap ni Sison kung saan nakitang hawak nito sa kamay ang ilang tig-P1 libong pera.
Nanawagan din naman si Tolentino sa mga motorista na tanggalin na ang ugaling manuhol sa mga traffic enforcers upang mabura na ang kultura ng korapsyon sa kalsada dahil sa panunukso sa kanilang mga tauhan.
- Latest
- Trending