MANILA, Philippines – Durog ang ulo ng isang ginang makaraang masagasaan ng isang tanker ng Manila Waters habang papatawid sa pedestrian lane sa Marikina City, kahapon ng umaga.
Kalunus-lunos ang sinapit na kamatayan ng biktimang si Margie Roxas, 42, ng #453 JP Rizal St., Brgy. Sto. Niño, Marikina, matapos na magulungan ng isang tanker ang mismong ulo nito.
Arestado naman si Romeo Torrena, 43, driver ng tanker (SFX-404) at residente ng Lunduyan, Batasan Hills, Quezon, City.
Batay sa ulat ni PO2 Aniano Aguado, dakong alas-9 ng umaga nang maganap ang aksidente sa kahabaan ng JP Rizal St., kanto ng Ming Ramos Lane sa Marikina City.
Nauna rito, nakahinto umano ang minamanehong tanker ng suspek na ginagamit na pangsipsip ng mga bara o burak sa mga imburnal, na sinamantala naman ng biktima at tumawid sa pedestrian lane, kasama ang kanyang babaeng apo.
Gayunman, bigla umanong umarangkada ang tanker na naging sanhi upang masagasaan ang biktima at madurog ang ulo nito.
Hindi naman nadamay sa aksidente ang apo ng biktima matapos na makatakbo palayo sa tanker. Ikinatwiran ng suspek na nakahinto sila dahil sa utos ng traffic enforcer sa lugar sanhi ng buhul-buhol na daloy ng trapiko.
Maya-maya ay bigla umano silang pinaabante nito kaya’t hindi niya napansin ang papatawid na mag-lola.
Huli na aniya nang maramdaman ng suspek na may nagulungan ang kaliwanggulong ng kanyang tanker at nang tingnan ay nagulat na lamang nang makita ang biktima.