Shabu lab sa Malabon ni-raid

MANILA, Philippines –  Isa na namang shabu laboratory na itinayo ng mga dayuhang Tsino ang nadiskubre at sinalakay ng mga tauhan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa Malabon City kahapon ng umaga.

Sinabi ni NCRPO chief, Director Nicanor Bartolome na kinubkob ng kanyang mga tauhan ang upahang bahay sa #1 Silver Town Homes sa Potrero, Malabon.

Bahagi umano ito ng follow-up operation makaraang madakip ang dalawang Tsino na sina Dave Go at Qinguo Nian sa isang operasyon nitong­ nakaraang Miyer­kules. Wala namang na­dakip ang pulisya sa naturang operas­yon dahil sa ginagawa lamang umanong pagawaan ng shabu ang bahay at hindi tirahan ng mga miyembro ng sindikato.

Sa interogasyon, inginuso ng dalawang suspek ang naturang shabu laboratory na may tatlong taon na umano nilang ginagamit sa operasyon.

Nabatid na milyong pi­song halaga ng finish pro­duct ng shabu, mga kemikal at kagamitan sa paggawa ng droga ang nasamsam ng mga pulis.

Matatandaan na may 40 kilong shabu ang nakum­piska ng pulisya buhat kina Go at Qinguo Nian nang ma­aresto ang mga ito sa Caloocan City. Bukod dito, dalawang Chinese nationals din ang unang nadakip sa Maynila kaya naghinala ang NCRPO na may shabu laboratory na namang itinayo ang sindikato sa Metro Manila.

Patuloy pa rin ngayon ang pagkalap ng intelihensya ng NCRPO upang masakote ang iba pang posibleng miyembro ng sindikato ng droga at pag-alam kung meron pang ibang shabu laboratory na itinayo ang mga ito.

Show comments