MANILA, Philippines - Patay ang isang 17-anyos na binatilyo matapos itong pagtulungang gulpihin at barilin ng isang grupo ng mga kabataan sa isang riot na naganap kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Nakilala ang nasawi na si John Patrick Pederiane, ng Ligaya St., 7th Avenue, Grace Park, Brgy. 122 ng nasabing lungsod na bukod sa gulpi ay nagtamo rin ng tama ng bala ng pen gun.
Agad namang nadakip ang dalawang suspek na sina Armando Joshua Cruz, 16; at Erzy Fremista, 16, kapwa naninirahan sa naturang lugar.
Hinahanting pa ng pulisya ang iba pang suspek na sina Ar-Jay Faustino; “alyas Gian”; “alyas Toktok”; “alyas Ivan” at labing-walo pang hindi nakilalang kabataan.
Naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng gabi sa panulukan ng 6th St. at 7th Avenue, Grace Park habang naglalakad ang biktima nang makasalubong nito ang isang grupo ng kabataan na nagkakaingay.
Nakursunadahan ng mga ito ang biktima na basta na lamang pinagtulungang bugbugin at barilin.
Matapos ito, agad namang naaresto ng mga awtoridad ang mga suspek na sina Cruz at Fremista habang nakatakas naman ang mga kasamahan ng mga kabataang ito.