MANILA, Philippines - Nilabag umano ni Land Transportation Office chief Virginia Torres ang naging kautusan ng Malacañang sa Department of Justice na makipagtulungan ito upang mabigyang linaw ang isinasa gawang imbestigasyon dito kaugnay sa umanoy pakikipagsabwatan nito sa nabigong pagkubkob ng isang grupo ng mga negosyante sa Stradcom building noong ika 9 ng December, 2010.
Sa isang memorandum na may petsang January 19, 2011, ayon kay Presidential Management Staff Head Julia Abad, ipinag utos ni Pangulong Noynoy Aquino sa Department of Transportation and Communications (DoTC) at sa Department of Justice na magsagawa ng imbestigasyon sa Stradcom-LTO take over.
Ang nabanggit na memorandum ay ipinadala sa tanggapan ni DOJ undersecretary Francisco Baraan sa kanilang huling isinagawang hearing noong ika-28 ng Enero, taong kasalukuyan sa gusali ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sinabi ni Torres, sa pamamagitan ng kanyang abogado na hindi na siya kailanman dadalo sa anumang gagawing pagdinig at hiniling nito sa DOJ na itigil na nito ang isinasagawang proceedings dahil wala umanong matibay na basehan ang bintang sa kanya.
Gayunpaman, muling iginiit ni Baraan na kailangan pa ding dumalo sa mga pagdinig si Torres dahil hindi naman ang isyu ng ownership sa Stradcom ang tatalakayin sa halip umano ay ang pagkakasangkot niya at ng ilang mga LTO officials sa nabigong pagkubkob sa Stradcom building at pagkakaparalisa ng buong operasyon ng LTO sa bansa.