2 karnaper timbog

MANILA, Philippines - Natimbog ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang carnapper ng mga taxi matapos na maispatan ng isa sa kanilang biniktima habang sinisimulang baguhin ang itsura ng tinangay nilang sasakyan sa lungsod, ayon sa ulat kahapon.

Ayon kay Police Supt. Marcelino Pedroso, hepe ng Police Station 6, kinilala ang mga suspect na sina Ro­naldo Mapanao, 39, driver mechanic at Steven Serrano, 60, taxi-driver. Habang tinutugis pa ang isang kasamahan nilang si Olliver Abiong na mabilis na nakatakas.

Ayon kay Pedroso, may kakaibang estilo ng pagnanakaw ang mga suspect sa pamamagitan ng pag-aaplay bilang taxi driver ni Serrano at kapag natanggap ay saka sisimulang i-duplicate ang susi ng pinapasadang taxi at saka magre-resign.

Matapos nito, aabangan ng mga kasamahan ni Serrano ang taxi na nakaparada saka tatangayin para dalhin sa isang kasamahan kung saan nila tatanggalan ng plaka at buburahin ang pangalan nito para palitan ng ibang pangalan na nakarehistro sa Land Transporation Office (LTO).

Samantala, natimbog ang mga suspect matapos na maispatan ng kanilang biniktimang si Romeo Miguel ang nakarnap na minamanehong Toyota Corolla taxi na may tatak na “Jeanne and Joseph” (TXN-2003) habang nakaparada sa may harap ng bahay ng suspect na si Mapanao.

Sinasabing nakaparada ang pinapasadang taxi ni Miguel sa may Champaca St., Brgy. Payatas nang ta­ngayin ng mga suspect gamit ang duplicate key ganap na alas-3 ng madaling-araw.

Bukod sa Toyota Corolla taxi na pinapasada ni Miguel, isang Toyota Corolla taxi na may tatak na Jherson & Jermilou (PWJ-396), isang Toyota Corolla na may tatak na J&J (TXD-795), at assorted mecha­nical tools at spray paint ang nasamsam din sa mga suspect.

Show comments