Oil companies nag-rollback sa presyo ng petrolyo
MANILA, Philippines - Nagsimula nang magbaba kahapon ng kanilang presyo ang mga kompanya ng langis sa bansa makaraan namang bumaba rin ang halaga ng krudo sa internasyunal na merkado.
Inumpisahan ang rollback ng Filipinas Shell na nagbaba ng P.75 sentimo kada litro sa presyo ng gasolina, at kakarampot na P.25 sentimos kada litro sa diesel at kerosene. Sumunod sa kahalintulad na pagbababa ng presyo ang mga kumpanyang Petron Corporation, Chevron Philippines, Phoenix Petroleum, Eastern Petroleum, Sea Oil, at Unioil dakong alas-6 ng umaga.
Bahagyang mataas naman sa halagang P.80 sentimos kada litro ang ibinaba ng kompanyang Flying V sa gasolina habang mas maliit na P.20 kada litro ang ibinaba nito sa diesel at kerosene.
Ang naturang rollback ang kauna-unahang isinagawa ng mga kompanya ng langis makaraan ang limang sunud-sunod na pagtataas ng presyo ng kanilang produkto simula noong kalagitnaan ng Disyembre 2010.
Sinabi ng mga kompanya ng langis na kanilang sinasalamin pa rin ang presyo ng krudo sa internasyunal na merkado na bumaba sa $86 kada bariles buhat sa 90% kada bariles sa Asya. Ito’y makaraang ihayag ng Saudi Arabia na lalakihan nila ang suplay dahil sa inaasahang pagtaas sa pangangailangan ng mga bansa.
Bukod sa rollback, sinabi ng Department of Energy na higit na makikinabang ang mga pampasaherong tsuper dahil sa nakatakdang pagpapatupad ng Shell at Petron ng P1 diskuwento sa presyo ng diesel sa pamamagitan ng binuksang “Pinoy Lanes”. Nakatakdang buksan ang Pinoy Lanes ng Shell sa Huwebes sa mga piling istasyon habang sa Sabado naman ang Petron.
- Latest
- Trending