MANILA, Philippines - Isang tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ng isang bagitong pulis matapos na umano’y magpakamatay sa harap mismo ng kanyang girlfriend habang sila’y nagtatalo sa lungsod Quezon kahapon.
Dead-on-the-spot sa lugar ang biktimang si PO1 Nazareth Tadeo na naka-uniporme pa ng PNP nang gawin ang pagbaril sa sarili.
Sa inisyal na ulat, nangyari ang insidente sa may Central Avenue sa Brgy. Culiat sa lungsod pasado alas-12 ng tanghali.
Ayon sa ilang saksi, kasama umano ni Tadeo ang kanyang girlfriend sa lugar kung saan nakitang nagtatalo ang dalawa.
Sinasabing pinipilit ni Tadeo na isama umano ang girlfriend pero tumanggi ito dahilan para sila magtalo. Dagdag pa ng mga saksi, pamilyar na umano sa kanila ang pulis dahil madalas nilang nakikita itong sinusundo ang kanyang girlfriend.
Kaya naman, habang nagtatalo umano ay biglang nagbunot ng baril ang pulis saka itinutok sa kanyang ulo at pinaputok dahilan ng kanyang agarang kamatayan.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa pa rin ng pagsisiyasat ang pulisya sa nasabing insidente.