MANILA, Philippines - Dahil sa sunog na naganap na ikinasawi ng 12 katao, idineklara kahapon ng pamahalaang lungsod ng Navotas ang state of calamity sa barangay na naapektuhan ng trahedya Sabado ng gabi.
Ayon kay Navotas City Mayor John Rey Tiangco, ang kanilang pagdedeklara ng state of calamity sa Brgy. San Roque ay upang mas mapabilis ang kanilang pagbibigay ng tulong sa mga residenteng nasunugan.
Hiniling din ni Tiangco sa mga may magagandang kalooban na magbigay ng tulong sa mga nasunugan upang agad na maka-rekober ang mga ito sa sinapit na sakuna.
Napag-alaman na dinala sa San Roque High School ang mahigit sa 300 pamilya na naapektuhan ng sunog kung saan ay umaasa ang mga ito sa tulong na ibibigay ng pamahalaang lungsod.
Matatandaan na dakong alas-11:08 noong Sabado nang magsimulang masunog ang isang bahay na pag-aari ni George Milagrosa, na matatagpuan sa kahabaan ng Leongson Extension, Barangay San Roque.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na si Milagroso na kasama sa mga namatay ay may sakit sa pag-iisip at kapag inaatake ito ay palaging nakikitang naglalaro ng apoy na pinaniniwalaang pinagmulan ng sunog.
Matapos ang sunog ay bumulaga sa mga awtoridad ang labing-isang bangkay na natusta at habang ang isa naman ay inatake sa puso na naging dahilan ng kanyang kamatayan.