MANILA, Philippines - Nauwi sa trahedya ang dapat sana’y masayang pagdiriwang ng piyesta makaraang masawi ang 11 katao na halos magkakamag-anak sa sunog habang inatake naman ang isa pa kasabay ng pagkatupok ng 100 kabahayan sa Navotas City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga biktima na sina William Agarin, Harvey Agarin, Jessie James Agarin, Jennifer Agarin, Jayrold Salonga, Nathalia Salonga, Angela Salonga, George Milagroso, Erick Tambor, Jerald Blancaflor, Carlito Blancaflor at habang inatake naman sa puso si Remedios Ortilla.
Sa inisyal na imbestigasyon ni F03 Domingo Gastillo, ng Navotas City Fire Department, dakong alas-11:08 ng gabi nang magsimulang kumalat ang apoy mula sa bahay ng biktimang si Milagroso, na matatagpuan sa Leongson Ext., Bgy. San Roque, ng nabanggit na siyudad.
Ayon sa awtoridad, na madaling kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials ang mga bahay.
Hindi nagawang mailigtas ng mga biktima ang kani-kanilang mga sarili dahil karamihan sa mga ito ay natutulog na nang magsimulang kumalat ang apoy.
Hirap din ang mga bumbero sa pag-apula ng apoy dahilan upang madamay ang ilang bahagi ng San Roque Elementary School.
Dakong alas-4:45 kahapon ng madaling-araw naapula ang apoy na umabot sa general alarm at tumupok sa may P5 milyong halaga ng mga ari-arian.
Kasalukuyan namang dinala sa evacuation center sa San Roque High School ang mga naging biktima ng sunog habang umaasa na lamang ang mga ito sa ipinadadalang tulong ng lokal na pamahalaan.
Inutos naman ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco sa kanyang mga tauhan ang pagsasagawa ng Oplan Damayan upang mabigyan ng tulong ang mga biktima.