MANILA, Philippines – Timbog sa isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 6, ang isang OB-Gynecologist at ang assistant nito nang tumanggap ng pera sa isang buntis na nagpanggap na magpapalaglag sa San Andres Bukid, Maynila.
Nahaharap na sa mga kasong attempted abortion, malpractice of medicine at attempted infanticide sa Manila Prosecutor’s Office ang suspect na kinilala ni P/Supt. Rogelio Rosales, na si Maria Fe Tizon, 42, ng Amatista St., San Andres Bukid, habang ang kanyang medical secretary na si Desiree Dagami, 23, ng Floodway, Taytay, Rizal, ay ipinagharap naman ng kasong accessory to crime.
Bago ang operasyon, isang Geraldine Buson, 30, na 3-buwang buntis ay nagsuplong sa tanggapan ni Rosales hinggil sa iligal na aktibidades ng doktora sa clinic nito na matatagpuan sa #2315 Onyx corner Augusto Francisco St., San Andres Bukid.
Nakalap din ang impormasyon na alam ng mga residente sa lugar na tumatanggap umano ng pasyente si Tizon na nais magpalaglag ng nasa sinapupunan. Sinalakay ang nasabing klinika matapos magbigay ng signal si Buson na sasaksakan na siya ng gamot para sa abortion.
Nabatid na humihingi umano ng P15,000 ang doktora at sa pagbalik ni Buson ay nagbigay ito ng downpayment na P7,000. Lingid sa kaalaman ng mga suspect na nakaantabay naman ang mga operatiba upang isagawa ang pagsalakay. Nang sasaksakan na ng injection si Buson ay nagdahilan ito na iihi muna, kaya’t nagawa nitong i-text ang mga pulis para maaktuhan ang nagaganap.
Isa pang babaeng umano’y kliyente, bagamat ’di pinangalanan ang nadatnan ng mga pulis na nakahiga sa isang kama at naghihintay na rin sa doktora.