Gunman ni Evangelista, tukoy na
MANILA, Philippines – Tukoy na ng Special Investigation Task Group (SITG) ang triggerman na responsable sa pagbaril sa car dealer na si Venson Evangelista.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, sinabi ni SITG Evangelista-Lozano Head P/Chief Supt. Benito Estipona na tinukoy ng dalawang nasakoteng suspek na si Alfred Mendiola, alyas Bading at Ferdinand Parulan, alyas Batibot ang nasabing triggerman na si Eduardo Fernandez.
Una nang ikinanta ng mga ito na ang magkapatid na Raymond at Roger Dominguez ang utak sa carjacking syndicates na kanilang kinabibilangan at binubuo ng siyam na miyembro.
Si Fernandez ay natukoy base sa rogue gallery na ipinakita ng mga awtoridad kina Mendiola at Parulan.
Sa panig naman ni Supt. Antonio Yarra, miyembro ng SITG Lozano-Evangelista, si Fernandez ay isa sa dalawang nasugatang miyembro ng Dominguez carjacking gang sa shootout sa mga operatiba ng Highway Patrol Group (HPG) sa Road 3, Project 6, Quezon City noong Oktubre 28 ng nakalipas na taon kung saan ay dalawa sa mga suspek ang napatay at dalawa pa ang nakatakas.
Samantala, nagsagawa naman ng follow-up operations ang mga awtoridad nang salakayin ang condominium unit ng starlet na si Katrina Paula at Raymond sa Palo Verde Condominium sa Brgy. Malamig, Mandaluyong City kung saan 8 luxury vehicles na pinaniniwalang kinarnap ang narekober noong Nobyembre 2, 2010.
Si Fernandez umano ang triggerman ng Dominguez carjacking gang kung saan bawat miyembro ay may kani-kanyang papel.
- Latest
- Trending