MANILA, Philippines - Patay ang isang 22-anyos na guwardya matapos itong maatrasan ng truck hanggang sa maipit sa isang poste kahapon ng umaga sa Caloocan City. Nakilala ang nasawi na si Jaypee Bagmac, guwardya ng KSK Corporation, ng Santa Compound, Congress Village, Brgy. 173 ng nabanggit na siyudad.
Sumuko naman ang tsuper na si Michael Flores. Sa imbestigasyon dakong alas-9:45 ng umaga ng maganap ang trahedya sa labas ng gusali ng KSK Corporation ng nabanggit na lugar.
Nabatid na minamaneho ng suspek ang isang Fuso delivery truck (KKK-839) kung saan paatras itong pumapasok sa compound ng nabanggit na kompanya na inalalayan naman ng biktima. Sa kaaatras hindi nito namalayan na naipit na pala ang sekyu. Mabilis na isinugod ang biktima ng kanyang mga kasamahan sa nabanggit na pagamutan ngunit hindi na rin naisalba pa ang buhay nito.