Beybi sa crib dinukot sa Tondo
MANILA, Philippines - Tinutugis ngayon ng Manila Police District (MPD) ang isang babae na tumangay sa isang 3-buwang beybi sa Tondo, Maynila, kahapon.
Ito ay matapos na dumulog sa pulisya ang mag-live-in-partner na sina Mirasol Arenas, 20 at Arthur Natabio, 22, ng Building 9 Unit 25 Temporary Housing Unit, Road 10 Vitas, Tondo, kaugnay sa pagkawala ng kanilang anak habang nakalagay sa duyan sa labas ng kanilang bahay.
Inilarawan naman ang suspect na nasa gulang na 22-30 anyos, 5’ ang taas, payat at straight hair na hanggang balikat ang haba.
Nabatid na dakong alas-10:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa harapan ng bahay ng mag-asawa habang abala si Mirasol sa paglalaba at ang anak nito ay nasa crib.
Lumapit umano ang babae sa ginang at nagpanggap na siya ay naholdap. Nakiusap umano ito na bigyan siya ng kahit pamasahe upang makauwi sa bahay nila sa Parola. Sa kakakuwento nabaling ang paningin ng suspect sa beybi sa crib na kinarga pa umano nito pero ibinaba rin.
Hanggang maging busy na si Mirasol hanggang sa mapansin na wala na ang kanyang beybi at wala na rin ang babae.
- Latest
- Trending