Carnappers muling sumalakay
MANILA, Philippines – Muli na namang sumalakay ang grupo ng carnapping syndicate sa kabila ng ipinatutupad na matinding kampanya ng kapulisan laban sa naturang grupo kung saan isa na namang van na pag-aari ng empleyado ng BIR ang kanilang tinangay sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Ang insidente ay nabatid makaraang personal na dumulog sa tanggapan ng Kamuning Police Station 10 ng QCPD ang biktimang si Cezar Cabrera, 50, ng Sct. Fernandez St., Brgy. Sacred Heart sa lungsod, para magreklamo.
Dakong alas-5 ng umaga nang madiskubre ni Cabrera ang pagkawala ng kanyang Toyota Tamaraw FX 1994 model na kulay light blue at may plakang TPJ-451 sa harap ng kanyang bahay.
Ayon kay Cabrera, bago ang insidente, alas-12 ng hatinggabi nang iparada niya ang sasakyan sa harap ng kanyang bahay, matapos gamitin ito sa trabaho. Giit ni Cabrera, madalas naman umano niyang gawin ito at kampante naman siya dahil mula sa bintana ng kanyang kuwarto sa ikalawang palapag ng bahay nila ay nakikita niya ang kanyang sasakyan sa tapat ng gate.
Maaalalang naging mainit ang isyu ng carnapping sa QC dahil sa kaso ng pagpatay sa dalawang car dealer na sina Emerson Lozano at Venson Evangelista. Bunga nito, nasibak sa puwesto ang isang hepe ng Police Station dahil sa kapabayaan umano sa kanyang puwesto.
Samantala, sa Makati City, tinangay din ng hindi pa nakikilalang mga suspect ang taxi Vios (UBA-102) na minamaneho ni Paulino Lumanta,70.
Sugatan din ang lolong driver matapos na magtangkang manlaban sa mga suspect na kumuha rin sa kanyang kinita sa pamamasada.
Naganap ang insidente dakong alas-12 ng madaling-araw sa may Osmeña Highway, Brgy. Bangkal, Makati City.
- Latest
- Trending