Mantele, suportado pa rin ng QCPD officials
MANILA, Philippines - Buo pa rin umano ang suporta ng mga senior police officials ng Quezon City Police District (QCPD) sa panunungkulan ni Chief Supt. Benjardi Mantele bilang director ng nasabing pamunuan.
Ito ang sinabi ni Supt. Nestor Abalos, hepe ng District Intelligence and Investigation Division (DIID), bunga ng ulat na kumakalat na maraming dismayadong mga opisyal ng QCPD ang nagnanais na maalis na si Mantele bilang district director, bunga ng isyu ng hindi nito pagsuporta sa kanyang tauhan na si Chief Insp. Edwin Faycho, ang hepe ng District Anti-Illegal Drugs (DAID) na nasasangkot sa pagdukot sa isang Indian national sa Pasay City.
Giit ni Abalos, ang pagkakait ng suporta ni Mantele ay hindi indikasyon na pinababayaan na nito ang kaso ni Faycho bagkus ay inilalagay lamang nila sa tamang proseso ang kinasasangkutan nitong kaso.
Sabi pa ng opisyal, maaring may ilang opisyal ang nagsasabing hindi tama ang ginawa ni Mantele, pero kung titingnan ay isa lamang itong paraan para ipakita sa kapulisan na ang bawat nasasangkot na opisyal ay idinadaan sa tamang pamamaraan o regulasyon.
Nabatid na hindi nagustuhan ng ilang opisyal ng QCPD ang pagtanggi ni Mantele na nasa naturang tanggapan si Faycho nang mangyari ang nasabing pagdukot sa Indian national na si James Khumar.
Mariin ding itinatanggi ni Faycho ang nasabing bintang, gayundin ang ilang mga opisyal ng nasabing kapulisan.
- Latest
- Trending