LTO officials bubusisiin sa carnapping
MANILA, Philippines - Bubusisiin ng pamunuan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang partisipasyon ng ilang opisyales ng pamahalaan at law enforcers sa nagaganap na carjacking sa bansa.
Ito ay makaraang bumuo ang kagawaran kasama ang Department of Justice ng elite team para imbestigahan ang naturang isyu kung paano nasasangkot dito ang mga opisyal at mapadali ang pagnanakaw ng kotse, tulad ng Dominguez carjack group.
Sinabi ng kalihim, ang mga magnanakaw ng kotse na nag-ooperate sa bansa, partikular sa Metro Manila, ay hindi uunlad kung hindi nila nae-enjoy ang proteksyon mula sa ilang awtoridad.
Nauna rito, lumantad ang isang Alfredo Mendiola, alyas Bading na kasama sa Dominguez carjacking gang at ibinunyag nito na may ilang opisyal sa Land Transportation Office (LTO) ang kasabwat nila sa sindikato.
Duda naman ang maraming tao kung maisasama ang kagawaran ng LTO sa bubuing elite team ng DILG at DOJ dahil sa posibleng magkaroon ng white wash bunga ng isyu ng pagdadawit dito.
Subalit ayon sa source mula sa Traffic Management Group, hindi na kailangan pa umanong lumayo ang elite team kung nais talaga nilang masugpo at masawata ang carnapping sa bansa.
Pero malaki anya ang maitutulong ni LTO chief Assec Virgie Torres para malutas ang bintang na pakikipagsabwatan ng ilang opisyal niya sa mga carnapper.
Nauna rito, noong 2009 isinangkot mismo ng PNP-HPG si Torres sa kaso ng maling pagpaparehistro ng isang Mitsubishi Pajero nang pamunuan pa niya ang LTO tarlac district office.
Sa report ng PNP Highway Patrol Group sa Cordillera, may petsa May 7, 2009, idinetalye kung papaano ito nabawi sa Baguio City mula sa isang Samuel A. Fernandez ng La Trinidad sa Benguet.
Batay sa imbestigasyon, natuklasan na ang Pajero ay orihinal na nakarehistro sa LTO Roxas, Isabela at ang rehistrasyon ay nailipat sa LTO Tarlac kung saan nabigyan pa ng personalized plate ng RJP-111. Bukod dito, si Torres pa ang lumagda sa certificate of registration ng nasabing Pajero.
Ito ay sa kabila ng ang LTO District office ay walang kapangyarihan na maglabas ng personalized plate.
- Latest
- Trending