MANILA, Philippines - Dalawampu’t walo (28) katao ng isang kumpanyang nagpapalabas ng ‘bold movies’ ang inaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa raid sa Mandaluyong City kamakalawa.
Sa inisyal na impormasyon, kabilang sa mga inaresto ng CIDG ang company lawyer, Executive Assistant, Chief Financial Officer, Marketing Associates, search engine optimizers, web designers, IT consultant, accountants, writer link builder, writers at isang utility man ng kumpanyang Open PH Inc. na may upisina sa Pioneer St., Mandaluyong City.
Sinalakay ng pulisya dakong alas-4 ng Sabado ng madaling-araw ang kumpanya sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Amor Reyes ng Manila Regional Trial Court branch 21. Ito’y makaraang makarating ang impormasyon sa pulisya na iligal itong nagpapalabas ng mga “pornographic” na mga pelikula sa internet at nagdidisenyo ng pornographic websites.
Nasamsam sa operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Task Force Maverick at Anti-Transnational Crime Division ng CIDG ang nasa 33 computer sets, laptop computers, iba’t ibang paraphernalia at mga dokumento bilang ebidensya.
Sinampahan na ng kasong paglabag sa Article 201 ng Revised Penal Code ang mga inaresto sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office ngunit ipinasya naman ng piskalya na palayain ang mga ito.