MANILA, Philippines - Patay ang isang pasahero habang malubhang nasugatan ang isa pa makaraang maipit ang mga ito nang aksidenteng magbanggaan ang isang truck at ang sinasakyan ng mga itong tricycle sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Tondo Medical Center ang biktimang si Joenard Caraballe, 35-anyos, taga-NBBS, Navotas City. Nagtamo ito ng matinding pinsala sa ulo at katawan.
Ginagamot naman sa nabanggit na pagamutan ang isa pang biktima na si Arman Carillo, 35, naninirahan naman sa Road 10, Sto. Niño, Navotas City, na nagtamo rin ng pinsala sa ulo at katawan.
Nakakulong naman sa Malabon City Police detention cell ang driver ng truck na si Benedicto Pader, 43-taong gulang, nakatira sa Sinclair St., Camarin, Caloocan City.
Sa report ng Traffic Enforcement Group (TEG) ng Malabon City Police, naganap ang insidente dakong alas-9:25 ng gabi sa kahabaan ng Lapu-Lapu Avenue, Malabon City.
Kasalukuyang binabagtas ng tricycle na may plakang UW-7209 ang naturang lugar na minamaneho ng driver na si Elmer Rosaldo, 50, residente ng Block 13, Lot 43, Phase 2-A, Brgy. Longos, ng nabanggit na siyudad, nang bigla na lamang itong salpukin ng truck na puno ng graba.
Sa bilis ng pangyayari ay nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver ng truck na si Pader kaya’t nabigo na itong maiwasan ang kasalubong na tricycle na halos nayupi sa insidente. Kasalukuyan pang iniimbestigahan ang kasong ito.