MANILA, Philippines - Pinsan naman ni dating Senador Mar Roxas ang pinakabagong biktima ng grupo ng mga carjacker makaraang tangayin ng mga armadong suspects ang sports utility vehicle (SUV) buhat sa kanyang driver, kahapon ng hatinggabi sa Makati City.
Sa ulat ng Makati Police Station, bandang alas-12:30 ng hatinggabi nang tangayin ng mga armadong suspek ang Toyota Land Cruiser (ZTG-747) na pag-aari ni Margarita Araneta-Fores.
Sinabi ni Fores na hinihintay siya ng kanyang driver na si Roberto Villanueva sa may Dela Rosa St., sa Legaspi Village, ng naturang lungsod, na lumabas sa kanyang restaurant nang sumalakay ang mga carjacker at agad na tutukan ito ng baril sa leeg.
Puwersahang kinuha ng mga suspect ang susi ng SUV na ibinigay naman ni Villanueva dahil sa takot na tuluyan siyang barilin ng mga ito. Tinangay din ng mga suspect ang cellular phone ni Villanueva bago siya pinalabas ng sasakyan at tuluyang tangayin ang sasakyan.
Isang SUV pa umano ang sumunod sa Land Cruiser tanda na may kasamang back-up ang mga suspek na sumalakay kay Villanueva.
Agad namang iniulat nina Villanueva at Fores ang insidente sa pulisya na nagpalabas na ng alarma sa tinangay na sasakyan.
Ang naturang insidente ay makaraan naman ang magkakasunod na pagsalakay ng mga sindikato ng carnapping na bumibiktima sa mga car dealers na siyang tinututukan ng pulisya ngayon.