MANILA, Philippines - Magkakasabay na ikinandado ang may 600 stalls sa mga mall sa Binondo at Tondo sa Maynila ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) at ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kaugnay sa ‘Oplan-Kandado’ na ipinatutupad ng ahensiya, kahapon ng umaga.
Ayon kay BIR Deputy Commissioner Nelson Aspe, ang pagsalakay ay bunsod ng mga impormasyong wala umanong kaukulang permit o hindi nakarehistro ang mga tindahan kaya’t wala silang papeles na magpapatibay na nagbabayad ng buwis.
Sinamahan ng mga tauhan ni P/Supt. Ferdinand Quirante ang mga kinatawan ng BIR sa pangunguna ni Aspe sa pagsisilbi ng closure orders.
Maaari lamang umanong magbukas muli ang mga nasabing stalls na matatagpuan sa Divisoria mall, Tutuban mall, 168 mall, 88 at 999 malls kung sila ay nakapag-parehistro na sa Manila City Hall-Bureau of Permits at BIR para sa kaukulang buwis
Target din umano ng BIR ang mga ukay-ukay shops na hindi nagbabayad ng kaukulang buwis. (Ludy Bermudo at Angie dela Cruz)