MANILA, Philippines - Patay ang isang 36-anyos na lalaking lasing na nagwala at namaril ng isang barangay kagawad at driver nito, na kapwa nasa kritikal na kondisyon matapos mang-agaw umano ng baril habang iniimbestigahan sa loob ng Manila Police District-station 2, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Dennis Santos, suspect sa pamamaril sa mga biktimang sina Kagawad Emmanuel Jimenez, ng Barangay 47 Zone, District 1 at driver nitong si Luisito Maravilla.
Ayon kay MPD-Homicide Section chief, P/ Insp. Armand Macaraeg, isasailalim nila sa imbestigasyon sina SPO3 Rey Mira, PO2 Rodolfo Mayo, at PO3 Roman Jimenez para magbigay-linaw sa insidente ng pagkamatay ng suspect na si Santos. Isinumite na rin sa MPD-Scene of the Crime Operatives (MPD-SOCO) ang mga baril ng 3 pulis para sa kaukulang pagsisiyasat.
Dead-on-arrival sa Mary Jhonston Hospital si Santos nang magtamo ng tama ng bala sa dibdib na tumagos sa kanyang likod.
Naganap ang pagkakabaril kay Santos sa loob ng investigation room ng MPD-station 2 dakong alas-7:30 ng gabi.
Sa inisyal na ulat ni PO3 Mario Asilo ng MPD-Homicide, dinala si Santos sa presinto ng mga tauhan ng MPD-District Mobile Patrol Unit matapos nitong mabaril sina Jimenez at Maravilla.
Una rito, nagwawala umano si Santos kaya tinangkang arestuhin ni Kag. Jimenez sa may panulukan ng Barcelona at Morga Sts.sa Tondo dakong alas-6 ng hapon nitong Linggo subalit sa halip na sumama na lamang sa barangay ay binaril ang dalawa.
Iniimbestigahan ito ng mga pulis nang tangkain agawin ang baril ni SPO3 Mira. Nauwi sa agawan hanggang sa mabaril umano ito ni PO2 Mayo.
Habang isinusulat ang balitang ito, nasa malubha pang kalagayan sina Jimenez at Maravilla.