Obrero hulog sa 2nd floor ng mall, dedo
MANILA, Philippines - Patay ang isang karpintero makaraang aksidenteng mahulog sa ikalawang palapag ng ginagawang mall sa lungsod Quezon kahapon.
Kinilala ni PO2 Hermogenes Capili ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police, ang biktimang si Noel Bulawan, 41, may-asawa ng 419 Algeciras St., Sampaloc, Maynila.
Ayon kay Capili, ang biktima ay nahulog mula sa ikalawang palapag ng City Walk 2 mall na matatagpuan sa Eastwood St., Brgy. Bagumbayan ganap na alas-7:30 ng umaga. Sinabi ni Enrico Daria, kasamahan ng biktima, kasalukuyan silang nagkukumpuni ng kisame nang aksidenteng bumagsak ang tinutuntungan nitong scaffolding at kasamang bumulusok ng biktima.
Nagawa pang maitakbo ni Daria at ilang kasamahan ang biktima sa Quezon City Memorial Medical Center ngunit idineklara rin itong patay.
- Latest
- Trending