9-anyos pakawala ng sindikato sa pandurukot timbog

MANILA, Philippines –  Nadiskubre ang patuloy na operasyon ng isang sindikato na nag-aalaga, nagsasanay at nagpapakalat ng mga batang mandurukot at snatcher sa lungsod ng Mandaluyong makaraang isang 9-anyos na paslit ang madakip at umamin na may mga amo siya, kamakalawa ng umaga.

Nadakip ng Mandaluyong City police ngunit agad na ipapasa ang kustodiya sa lokal na sangay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang batang suspek na itinago sa alyas na Totoy Iskula.

Sa ulat ng pulisya, biniktima ng batang mandurukot ang 35-anyos na ginang na si Mary Grace Perez, ng Dungo St., Brgy. Isabelita, Pinaglabanan, San Juan City.  Naglalakad ang biktima sa harap ng POEA Bldg. sa may Ortigas Avenue, Mandaluyong nang maramdaman na may dumukot sa kanyang bulsa.

Agad namang nadakma ni Perez ang kamay ng paslit ngunit binitiwan rin nito nang matakot na baka may kasamahan ito. Hu­mingi na lamang ito ng saklolo sa naispatang pulis sa naturang lugar na siyang dumampot kay Totoy Iskula.

Sa loob ng presinto, hindi na nasauli pa ang wallet na dinukot ng bata kay Perez dahil sa naipasa na umano agad niya sa “boss” nitong kasamahan.  Labis naman ang hinanakit ni Perez sa pagkawala ng kanyang pera na umano’y pambili ng gamot ng kanyang anak na may sakit.

Noong Mayo 25, 2009, tatlong lalaking suspek ang dinakip ng pulisya sa isang pagsalakay sa kanilang kuta sa Brgy. Addition Hills, Mandaluyong.

Ang tatlo ay miyembro ng sindikato na nagtuturo sa mga batang palaboy na magnakaw sa mga sasakyan na naiipit sa trapiko sa kahabaan ng EDSA. 

Show comments