Anti-kidnapping unit itatayo ng PNP sa Mindanao

MANILA, Philippines –  Upang matutukan ang malalang sitwasyon sa kidnapping sa Mindanao, inatasan ni National Police Commission (Napolcom) Chairman Jesse Robredo ang Philippine Na­tional Police (PNP) na magtatag ng satellite office ng Police Anti-Crime Emergency Response unit (PACER) sa rehiyon.

Ito’y makaraang aminin ni PNP chief, Director Gene­ral Raul Bacalzo na napabayaan nila ang paglaban sa kidnap-for-ransom group na nag-ooperate sa Mindanao nitong nakaraang panahon ng Kapaskuhan kaya malayang nakapambiktima ang mga ito.

Matatapos umano ang pagtatayo ng satellite offices bago magtapos ang buwan ng Enero sa Cotabato at Davao bukod pa sa Special Task Units na bu­buuin ng mga tauhan ng pulisya at military.

 Karaniwan kasi umano na nakatutok lamang ang ope­rasyon ng PACER sa Luzon at sa Visayas kaya nangangaila­ngan na rin na pagtuunan ng atensyon ang Mindanao.

 Sa kabila nito, nilinaw ni Robredo na mas mababa pa rin ang kaso ng kidnapping sa buong bansa nitong nakalipas na 2010 na may 19 na kaso lamang kumpara sa 25 na­italang kaso ng kidnap-for-ransom noong taong 2009.

Show comments