Walang taxi meter receipt, walang taas singil - LTFRB
MANILA, Philippines – Hindi maaaring makapaningil ang sinumang taxi driver ng bagong flagdown rate na P40 at P3.50 sa succeeding kilometer kapag ang metro nito ay hindi pa rin nag-iisyu ng resibo o wala pang tinatawag na meter receipt machine.
Kasabay nito, nilinaw ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) board member Manuel Iway, kapag ang isang taxi ay wala pang meter receipt machine at dati pa ring metro ang gamit nito, kailangang P30 pa rin ang sisingilin nitong flagdown rate sa taxi at hindi maaaring maningil ng bagong flagdown rate price.
Anya, kahit pa may dala-dalang resibo ang mga driver, hindi rin sila makakasingil ng bagong flagdown rate na P40 kundi mananatiling P30 ang flagdown rate na kanilang dapat singilin sa mga pasahero.
Ang sinumang lalabag sa patakarang ito ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ay magmumulta ng halagang P2,500 kada oras na hindi nito pag-iisyu ng resibo na nagmumula sa meter machine ng taxi.
Maaari anyang magsumbong sa LTFRB ang sinumang lalabag dito at makakasuhan ng overcharging kapag naningil nang sobra. Maaaring masuspinde ang driver’s license sa unang offense, 30 days suspension sa second offense at pag-revoke ng lisensiya sa ikatlong offense.
Ang operator naman ng sasakyan ay may multang P3,000 sa first offense, P4,000 sa second offense, P5,000 at kanselasyon ng prangkisa sa 3rd offense.
Ang LTFRB anya ay maglalagay ng yellow stickers sa taxi para malaman na ang unit ay tapos nang ma-calibrate at naselyuhan ng ahensiya at maaari nang makapaningil ng bagong flagdown rate.
- Latest
- Trending