MANILA, Philippines - Nagpanik ang mga miyembro ng Pasay City police makaraang akalaing naglalaman ng bomba ang isang karton na basta na lamang iniwan sa likod ng US Embassy Diplomatic Corps sa F.B. Harrison Street, kahapon ng hapon.
Dakong ala-1:15 ng hapon nang mapansin ng pulisya ang iniwan na kahon sa waiting shed sa naturang lugar na nasa tapat rin ng PLDT Office. Ipinagbigay-alam ang naturang kahon sa pulisya kung saan rumesponde naman ang mga tauhan ng Explosive and Ordnance Division (EOD).
Sinabi ni Pasay police chief, Sr. Supt. Napoleon Cuaton na dahil hindi nila alam kung ano ang laman ng naturang kahon, ipinag-utos niya ang pag-detonate dito para na rin sa kaligtasan ng kanyang mga tauhan.
Isinara ng pulisya ang kahabaan ng F.B. Harrison Street mula EDSA hanggang Libertad Street, kinordon ang lugar at hinila ang kahon sa pamamagitan ng isang tali patungo sa gitna ng kalsada. Dito na ginamitan ng “water disruptor charge” ang kahon upang pasabugin.
Lumalabas naman na pawang mga papel at iba’t iba pang abubot ang laman ng naturang kahon na posibleng pag-aari ng hindi pa nakikilalang palaboy na natutulog sa naturang waiting shed.
Bagama’t lumikha ng pangamba, ipinagtanggol ni Cuaton ang aksyon kung saan sinabi nito na mas nakakabuti nang maging maingat sa paghawak ng hinihilang bomba kaysa sa masabugan ang kanyang mga tauhan o sinumang inosenteng sibilyan.