MANILA, Philippines - Pinayuhan ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang mga miyembro at opisyal ng Manila Police District (MPD) na manindigan sa kanilang sinumpaang tungkulin, respetuhin ang kanilang uniporme at huwag gagawa ng anumang katiwalian.
Ipinahayag ito ni Lim sa kanyang pagdalo sa ika-110 taong anibersaryo ng MPD kasabay ng mga kinasasangkutang isyu ng mga pulis kung saan nawawala na rin ang tiwala ng publiko.
Ayon kay Lim, hanggang sinusunod ng mga pulis ang kanilang sinumpaan at dedikasyon sa pagtatrabaho, walang masamang mangyayari sa mga ito.
Subalit aminado si Lim na lubhang nakasisira sa mga matitinong pulis ang hindi magandang gawain ng ilang pulis.
Giit pa ng alkalde, ang pulis ay siyang dapat nagbibigay proteksiyon sa publiko at hindi dapat na kinatatakutan.
Hindi rin umano dapat na payagan ng MPD ang `hoodlums in uniform’ sa kanilang puwersa at sa halip ay ibalik ang tiwala ng tao.
Sa kanyang 38 taong pagiging pulis, sinabi ni Lim, na hind rin umano dapat na protektahan ng mga opisyal ang kanilang mga tauhan na lumalabag sa batas.
Samantala, ginawaran din ng parangal ng MPD si Manila Bulletin Publishing Corporation chairman Don Emilio T. Yap, Filipino-Chinese General Chamber of Commerce Inc. chairman emeritus Dr. James Dy, Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc., at si MPD Press Corps President Bernardo Batuigas.