2 biktima ni 'Boni and Clayd' lumutang
MANILA, Philippines - Matapos ang pagkakadakip sa tinaguriang “Boni and Clayd”, dalawa pang taxi driver na biktima nila ang lumutang kahapon sa himpilan ng Quezon City Police upang sampahan ng reklamo ang mga ito.
Sa harap ni QCPD director General Benjardi Mantele, personal na itinuro ng mga biktimang sina Jerry Entrina at Michael Hilado ang mga suspect na sina Leonard Lopez, 28, residente ng B7 Sunflower St., Karuhatan Pasig City at Anna Garcia, 20 ng Road 1, Bgy. Sauyo, Novaliches, Quezon City na nangholdap at tumangay ng pinapasada nilang taxi kamakailan.
Ayon kay Entrina, Disyembre 22 nang holdapin siya ng mga suspect sa may Fairview, Q.C. at kinuha ang kanyang pera at taxi na may tatak na Angel-Mar (TXZ-779).
Dahil sa naturang insidente, si Entrina ay ipinakulong umano ng kanyang operator matapos na pagbintangang kasabwat ng mga suspect sa naturang operasyon.
Sinasabing kalalaya lamang ni Entrina at kagagaling lamang sa hearing sa kanyang kaso nang mabalitaang may naarestong dalawang taxi holdup suspects. Agad siyang nagpunta sa QCPD at nakilala ang mga ito na siyang humoldap sa kanya.
Enero 4, 2011 nang holdapin naman ng mga suspect si Hilado sa may Mendez Baesa at tangayin ang kanyang NVBS taxi na may plakang UVG-446.
Ayon sa dalawa, pagkakataon na rin nila para malaman kung saan dinala ng mga ito ang kanilang mga sasakyan na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nila natatagpuan.
- Latest
- Trending