MANILA, Philippines - Ipinapanukala ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na palitan ang 50 porsiyento ng mga bus driver ng mga babaeng tsuper upang mabawasan umano ang bilang ng aksidenteng nagaganap sa kalsada.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino, ito ang isa sa nakikita nilang solusyon upang mabawasan ang dami ng aksidente base sa kanilang pag-aaral na halos hindi nasasangkot ang mga babaeng drivers sa mga aksidente.
Nakabase rin umano ito sa polisiya ng ilang estado ng Estados Unidos kung saan karamihan sa mga kinukuhang bus drivers ay mga babae. Maaari naman umano na gawing mga konduktor na lamang ang mga lalaking driver.
Sa kanilang pag-aaral, higit na maingat sa pagmamaneho ang mga babaeng driver, magalang sa mga pasahero at hindi lumalabag sa mga batas trapiko.
Inaasahan ng MMDA na kung maipatutupad ito, bababa ng may 50 porsiyento ang maitatalang aksidente na “KSI (killed or seriously injured”) sa kalsada sa buong Metro Manila.