MANILA, Philippines – Pinaniniwalaang sinumpong ng sakit na epilepsy ang isang hindi pa kilalang lalaki na nalunod sa Manila Bay, matapos magpahinga at antukin sa tabing-dagat, kahapon ng umaga sa Roxas Boulevard, Malate, Maynila.
Sa paglalarawan ni PO2 Jupiter Tajonera ng Manila Police District-Homicide Section, ang biktima ay nasa edad 50-55, mataba, may taas na 5’7’’ nakasuot ng green na t-shirt at maong na shorts.
Dakong alas-11:45 ng umaga kahapon nang makitang nahulog ang biktima sa dagat ng Manila Bay, na mabilis umanong lumubog dahil sa bigat nito.
Nabatid na nakikain pa umano ang biktima sa isang regular na feeding program para sa mahihirap na isinasagawa ng isang alyas “Gabriel”, isang foreigner, sa tapat ng Hyatt Hotel, sa Roxas Blvd.
Ilan sa nakakita ang nagsabi na may sakit na epilepsy ang biktima.
Dinala ang bangkay ng biktima sa St. Yvan Funeral Homes para sa awtopsiya at safekeeping.