Off limits sa Karingal: 6 pulis-QC sinibak
MANILA, Philippines - Tuluyan nang sinibak sa puwesto ni Quezon City Police District (QCPD) director General Benjardi Mantele ang anim na tauhan ng District Anti-Illegal Drugs matapos masangkot sa pagdukot sa isang Indian national noong nakaraang taon.
Iprinisinta sa mamamahayag ni Mantele ang nasasangkot na pulis kabilang ang opisyal ng DAID na si Chief Insp. Edwin Faycho upang bigyan-diin na hindi nagtatago ang mga ito.
Sa pagkakasibak at pagdidis-arma sa mga pulis, ipinagbabawal din sa mga ito ang pagpasok sa loob ng Camp Karingal kaugnay sa bigong pagdukot sa indian national na si James Khumar.
Ang QCPD na rin ang nanguna para sa pre-charge evaluation laban sa mga DAID policemen upang matukoy ang administrative culpability ng mga ito.
Dahil na rin sa isyu ng hurisdiksiyon, nagbaba ng direktiba si Mantele na nagbabawal sa 12 police stations at lahat ng operating units na magsagawa ng police operations sa labas ng kanilang area of responsibility ng walang pahintulot galing sa kanya.
Ayon kay Mantele, nalulungkot siya at buong hanay ng QCPD sa naturang isyu, kasabay ng pagkondena sa mga naganap na pagdukot na isinasangkot ngayon sa kanyang mga tauhan.
Samantala, naninindigan naman si Faycho na wala siyang alam sa nasabing isyu, at patutunayan anya nila na lehitimo ang kanilang operasyon base sa dokumentong hawak nila.
Ang QCPD-DAID ay nalagay sa hot seat, matapos na ituro ng mga testigo ng Pasay City Police na kabilang sa dumukot kay Khumar at dalawa pa nitong kasamahang nasawi noong nakalipas na taon.
- Latest
- Trending