Empleyado ng Court of Appeals nagbigti
MANILA, Philippines - Nagpakamatay sa pamamagitan nang pagbibigti ang isang clerk ng Court of Appeals sa loob ng kanyang bahay, kahapon ng umaga sa Mandaluyong City. Nakapulupot pa sa leeg ang kulay dilaw na sinturon at nakatali sa angle bar sa kusina ng kanilang bahay nang madiskubre ang biktima na nakilalang si Ferdinand Gargoles, 50, binata ng Mandaluyong Executive Mansion, Bldg., 1 G. Enriquez St., Brgy. Vergara, ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa ulat ng Criminal Investigation Unit (CIU), dakong alas-6:00 ng umaga nang matuklasan ni Analie Giganto, 28, dalaga, nursing aide at stay-in sa bahay ng mga Gargoles ang nakabiting biktima. Nauna dito, napansin umano ang biktima na tila wala sa kanyang sarili, malalim ang iniisip at nagpapabalik-balik umano sa kuwarto ng kanyang kapatid na doktora.
Nabatid naman na Nobyembre pa ng nakaraang taon ay napansin din umano ang biktima ng kanyang mga kasamahan sa CA na tila hindi ito nakakatulog ng maayos, kung kaya’t pinayuhan muna ito na mag-leave of absence sa trabaho na siya namang ginawa nito.
Mula noon ay nakikita nang balisa ang biktima ngunit inaalagaan pa din nito ang kanyang kapatid na doktora na may karamdaman hanggang sa natagpuan na itong nakabigti. Samantala, patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya kung ano ang motibo sa ginawang pagpapatiwakal ng biktima.
- Latest
- Trending